Hannah Klarrisz Musni

MASKARA

Frank G. Rivera
Filipino

MGA TAUHAN:
ANG PUNONG MASKARA - mistulang isang Diyos tulad ng pagdiyos-diyos ng kahit na sinong mataas na pinuno; maaari ring siya mismo ang Mataas na Pinunong ito na may maskarang kumikislap at ginto’t pilak ang kasuotan.
MAHIWAGANG TINIG – isang hindi nakikitang tauhan; humihinto ang lahat kung siya’y nagsasalita.
ISANG MALAKING PULUTONG NG TAO – mas maraming gumaganap; mas mabuti; pawang makukulay ang mga kasuotan; walang katiyakan sa kanila kung alin ang babae at lalaki; nahahati ang pulutong na ito sa dalawang pangkat:
UNANG PANGKAT – pinamumunuan ni MAKISIG.
IKALAWANG PANGKAT – pinamumunuan ni MAGANDA
ANG TANGHALAN: - Kahit saan na walang lamang espasyo.
ANG PANAHON: Gabi ng ngayon o bukas. (Maiilawan ang buong tanghalan: maliwanag na maliwanag at walang anumang makikita. Biglang makaririnig ng kung anu-anong ingay mula sa labas ng tanghalan, sari-sari: tulaan; kantahan; iyakan; tawanan; putukan; bulungan; sigawan; tugtugan; atbp. Mananatiling gayon nang ilang saglit. At dahan-dahan, waring pilit na pilit, maglalaho ang iba’t ibang himig. Magdidilim. At sa ilang saglit, para bagang ang lahat ng bagay sa daigdig ay huminto.)
MAHIWAGANG TINIG : (Umaalingawngaw)
Pigilin! Pigilin ang paglubog ng araw.
Panatilihin ang liwanang…..
(Ang dati’y walang-lamang tanghalan ay muling magliliwanag at ngayon ay mapupuno ng tao sa pagdagsa ng ISANG MALAKING PULUTONG NG TAO: pawang nakamaskara at naglalarawan ng iba’t ibang uri ng mukha.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
2/35
Nagsasayawan. Nagkakantahan. Mapupuno ng kasiglahan ang buong paligid. Makulay na makulay ang buong tanghalan na nagmistulang isang malaking pagdiriwang na ang mga dumalo ay pawang nakabalatkayo. Naglalasingan; naghahalakhakan. Mapapansing ang malaking pulutong na yaon ay nahahati sa dalawang pangkat: ang UNANG PANGKAT at ang IKALAWANG PANGKAT.)
UNANG PANGKAT:
Masaya ang buhay!
IKALAWANG PANGKAT:
Masaya ang buhay!
UNANG PANGKAT:
Masaya ang buhay, masaya ang buhay!
Bawat bato sa lupa’y ligaya ang taglay.
IKALAWANG PANGKAT:
Masaya ang buhay, masaya ang buhay
Bawat ihip ng hangin ay ligaya ang taglay.
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
Masigla ang buhay! Masigla ang buhay.
UNANG PANGKAT:
Masigla ang buhay, walang pagkalumbay.
Taginting ng pilak, kasiglaha’y taglay.
IKALAWANG PANGKAT:
Masigla ang buhay, walang pagkalumbay.
Taginting ng ginto, kasiyaha’y taglay
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay).
Masaya’t masigla ang buhay! Mabuhay!
Masaya’t masigla ang buhay! Mabuhay!
Mabuhay! Mabuhay!
(Maghahalakhakan ang dalawang pangkat. Magmimistulang isang paligsahan sa tawanan ang buong paligid.)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
3/35
UNANG PANGKAT:
Tiyan nami’y sumasakit dahilan sa pagtawa.
IKALAWANG PANGKAT:
Sa tindi ng pagtawa’y nabábasâ pati mata.
UNANG PANGKAT:
Aray! Masigla’t masaya ang búhay…Aray!
IKALAWANG PANGKAT:
Masigla’t masaya nga ngunit aray!
UNA/IKALAWANG PANGKAT:
Masigla’t masaya nga ngunit -Aray! Aray!
(Isang tao ang hihiwaly sa UNANG PANGKAT. Ang maskarang suot nito ay payak kung ihahambing sa ibang maskara. Siya si MAKISIG.)
MAKISIG:
Sa bawat kasayahan at katuwaan,
may mararamdamang kirot at hapdi.
Ang mataginting na halakhak
ay may kasuyong mapapait na luha.
Sa likod ng mga ngiti,
may sugat na humahapdi.
kasabay ng halakhak,
dumurugong mga sugat.
(Hihilahin ng UNANG PANGKAT si MAKISIG upang muling makisama sa kanila. Halakhakan. Mapipilitan si MAKISIG pero hindi rin siya makikitawa.)
UNANG PANGKAT:
Masaya’t masigla ang búhay, hindi ba?
(Tatakpan ni MAKISIG ang kanyang tainga.)
UNANG PANGKAT:
Maligaya tayo, hindi ba? Hindi ba?
MAKISIG PANGKAT: (Sisigaw)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
4/35
Ayoko na!
UNANG PANGKAT:
Makipagdiwang kang muli sa amin,
Makisig. Ang dala ng buhay
ay masasayang halakhak. Ngumiti ka… tumawa.
(Lahat ay maghahalakhakan.)
MAKISIG PANGKAT: (Sisigaw.)
Masakit na ang tiyan ko sa pagtawa!
(Magsasayawan ang UNANG PANGKAT sa paligid ni MAKISIG. Samantala, isang tao ang hihiwalay mula sa IKALAWANG PANGKAT. Payak din ang maskarang suot nito katulad ng kay MAKISIG. Siya si MAGANDA.)
IKALAWANG PANGKAT:
Maganda, saan ka pupunta?
MAGANDA:
Sa dako roon kung saan ko lubos na
makikita ang ginagawa nila.
IKALAWANG PANGKAT:
Sapat na ang sa atin, ang sa iba ay huwag nang intindihin.
MAGANDA:
Mas matamis ang asukal sa kabila, mas nakawiwili at nakaakit ang kasiglahan nila.
IKALAWANG PANGKAT:
Masaya na ang buhay natin,
ang sa iba’y huwag alalahanin.
MAGANDA:
Kung gayon ay pabayaan ako sa aking gagawin.
IKALAWANG PANGKAT:
Sige lang at humayo ka, subalit bumalik ka agad kapag nanghinawa na.
(Lalapit si MAGANDA kay MAKISIG.)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
5/35
MAKISIG:
May dulot na hapdi at kirot ang
sigla at tuwa. Mataginting na
halakhak naghahatid na ng luha.
MAGANDA:
Ikaw, sino ka man, batid mo bang ang pagiging makata sa ganitong pagkakataon ay wala nang kabuluhan?
MAKISIG:
Walang kabuluhan kaya ang pagsisiwalat sa nasa ng pusong ngayo’y nawawasak?
MAGANDA:
Huwag mo nang ipilit ang pagtula-tula dahil pandinig ko ngayo’sawang-sawa.
MAKISIG:
Aba, ang magandang binibini pala’y may talino ring itinatago!
MAGANDA:
At may matalas na pang-amoy sa itinatagong baho.
(Magtatawanan ang IKALAWANG PANGKAT.)
MAKISIG:
Sabihin mo, binibini, ang nais na ipadama.
MAGANDA:
Ipinadarama na, bakit sasabihin pa?
(Muling magtatawanan ang mga tao sa IKALAWANG PANGKAT.)
MAKISIG:
Hindi tumitino ang damdaming nais ipadama.
MAGANDA:
Manhid siguro, dahil payak lamang ang gusto kong ipadama sa iyo.
MAKISIG:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
6/35
Ang payak ay madaling makita, madaling mabasa, madaling madama.
MAGANDA:
Ba’t hindi mo agad nagagap ang pagkawili ko sa palabas mo?
MAKISIG:
Hindi palabas, binibini. Hindi palabas.
MAGANDA:
Kung gayon ay ano?
MAKISIG:
Akala ko’y matalas ang pang-amoy mo!
(Magtatawanan ang UNANG PANGKAT.)
MAGANDA:
Lubha kang malabo. Ang damdaming nais ilathala ay hindi malilimbag kung sarili mo lamang ang nakauunawa.
MAKISIG:
Hindi ko ipinagpapakasakit ang kagandahan ng sining sa isang payak lamang na damdamin.
(Muling magtatawa ang UNANG PANGKAT.)
MAGANDA:
Kung gayon, wala na tayong pag- uusapan pa.
MAKISIG:
Sandali lamang.
MAGANDA:
Ayaw kong aksayahin ang aking panahon sa mga nagkukunwaring matalino.
MAKISIG:
Kung hindi lamang maganda ang katawan mo, hindi ako magpapakababa nang ganito.
MAGANDA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
7/35
Nasasayang ang oras, linawin na lamang ang malalabong salitang hinabi ng dila mo.
MAKISIG:
Sa payak na salita’y ganito - sa likod ng kasayahan ay laging may kalungkutan.
MAGANDA:
Ginoo, hindi ba’t ang isa ay nagbibigay-daan lamang para sa isa?
(Magtatawa ang IKALAWANG PANGKAT.)
IKALAWANG PANGKAT:
Nagbibigayan.
UNANG PANGKAT
: Nagdadamayan.
MAGANDA:
Ganyan ang buhay.
(Magtatawanan ang dalawang pangkat.)
MAKISIG:
Maaari namang maging mas higit pa sa basta bigayan at damayan ang buhay upang lalong maging maganda!
MAGANDA:
Aba! Kung ‘yan lang, basta bigayan at damayan, ubod nang hirap gawin, ‘yun pa kayang gusto mo?
MAKISIG: (Sisigaw)
Tanggalin mo ang iyong maskara!
(Katahimikan. Matitigilan ang lahat.)
MAGANDA:
At ang maskara mo?
(Magpapalakpakan ang lahat.)
UNANG PANGKAT:
Gabi na, Makisig, umuwi ka na.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
8/35
MAKISIG:
Hindi pa huli ang lahat. Hanapin natin ang liwanag.
IKALAWANG PANGKAT:
Ipagpatuloy ang naantalang pagdiriwang.
UNANG PANGKAT :
Masaya ang buhay!
MAKISIG:
Ito na ang wakas.
MAGANDA:
Ito ang simula.
MAKISIG:
Idilat mo ang iyong mga mata, binibini.
MAGANDA:
Ayaw kong makinig sa ‘yo, ginoo.
MAKISIG:
Kay-saya ng buhay kung tayo’y malaya. Puno ng pag-asa at mga haraya. Nag-uumapaw ang ginintuang tuwa. Laging may umaga’t damdami’y sariwa
UNANG PANGKAT :
Masigla ang buhay!
IKALAWANG PANGKAT:
Masaya ang buhay!
MAGANDA:
Kay-saya ng buhay kung puno ng awit kung baga sa rosas, walang kahulilip. Ang taglay na bango na kaakit-akit.
MAKISIG:
Ganyan nga ang tuwa kung di pinipilit. O, kay-saya ng buhay kung wala nang pasakit walang mandarayang saksakan ng lupit.
MAGANDA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
9/35
Huwag mong sirain ang gabing ito para sa akin. Ang pagdiriwang ang ating atupagin. Darating na ang ating hari.
MAKISIG:
Kahit na tayo’y nakabilibid sa mga maskarang ito?
(Bubulong.)
Alisin mo, binibini, ang iyong maskara at damhin ang kaligayahan ng pagiging malaya.
MAGANDA:
Huwag kang lubhang pangahas Ang sarili mo ang pakialaman mo!
(Tatanggalin ni MAKISIG ang kanyang maskara. Magugulumihanan ang lahat. Lalayo sila na parang suklam na suklam kay MAKISIG. Parang nandidiri.)
UNANG PANGKAT :
Makisig, wala kang isip! Alalahanin mo kami. Ang mga kaibigan mo. Mga magulang. Mga kapatid.
MAKISIG:
Oras na upang harapin ang katotohanan.
UNANG PANGKAT :
Hindi namin kailangan magpakabayani.
Humayo ka kung nais mo pero huwag mo kaming idamay sa iyong kalokohan.
MAKISIG:
Mga kasama, hindi pansarili ang ibig kong pagbabago. Ito’y para sa ikabubuti ng marami. Para sa ating lahat. Sa sangkatauhan!
UNANG PANGKAT :
Kung sa pagpapakabayani mo’y mapasaalang-alang pati na ang kabutihan namin, maipapayo naming huwag mo nang ituloy. Kami na rin ang magsusuplong sa’yo.
MAKISIG:
Magagawa n’yo ‘yun sa akin?
Ako’y kauri ninyo!
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
10/35
UNANG PANGKAT :
Walang anak, walang kapatid, walang kamag-anak at kaibigan kung kasawian ng sambayanan ang nakasalalay.
MAKISIG:
DUWAG! Kayo’y mga duwag!
UNANG PANGKAT :
May mga tuntuning dapat na igalang, dapat na sundin. Kung makikiayon din lamang sa kabihasnan ng tao, ‘yun ang dapat gawin!
MAGANDA:
At saka hindi mo mababago ang guhit ng tadhana.
IKALAWANG PANGKAT:
Minsan lang mabuhay ang tao kaya tayo’y magpasasa.
MAKISIG:
Huwag ninyo gamitin ang katwirang ‘yan para sayangin
ang nag-iisang buhay.
IKALAWANG PANGKAT:
Ipagpatuloy ang pagsasaya. Ipasa rito ang alak.
UNANG PANGKAT :
Diyos ba ang akala niya sa sarili ay kayang baguhin ang kasiglahan natin?
MAGANDA:
Hindi kayang baguhin ng ilusyon ang katotohanan bihisan man ito ng kung anu-ano!
UNA/IKALAWANG PANGKAT : (Sabay)
Hala, magsaya tayong lahat! Huwag sirain ang gabi.
Magsaya!
MAKISIG:
Binibini, ito ang tunay na ako. Masdan mo!
MAGANDA:
Huwag kang hangal!
MAKISIG:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
11/35
Sabi mo’y ito ang simula. Kayat ito na nga. Ulitin natin, binibini. Ito ang simula!
MAGANDA:
Isuot mong muli ang iyong maskara, ginoo.
MAKISIG:
Na tulad nang dati? Bakit, binibini? Ang buhay ba’y isang paulit-ulit na musika – sa nabibinging tainga ng
Diyos?
MAGANDA:
Hindi pa ngayon oras para ilantad mo ang iyong tunay na pagkatao. Mayroong panahon para d’yan.
MAKISIG:
Kailan pa, binibini? Kung ang buwan sa langit ay lumubog na nang wala pang araw na kahalili?
MAGANDA:
Huwag kang maingay. May takdang panahon para sa lahat ng bagay. Ako at ang aking pangkat ay may nakalaang oras para sa mga sinasabi mo. Kailangan ngayon ay magpakapino.
(Ilalagay ni MAGANDA ang maskara sa mukha ni MAKISIG.)
MAGANDA:
Maghintay-hintay ka pa nang ilang sandali, ginoo.
(Magpapalakpakan ang dalawang pangkat. Pagkatapos, sila ay magsasayawang muli.)
MAKISIG:
Salamat sa‘yo. Maraming salamat.
MAGANDA:
Hindi magiging mainam kung makahalata agad ang pangkat mo. Baka mabigla sila at gumawa nang hindi
mabuti. Masisira ang aming plano.
MAKISIG:
Makihalo tayo sa kanila. Sumunod ka sa akin ako ang bahala.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
12/35
(Magsasayaw rin sina MAKISIG at MAGANDA.)
MAGANDA:
Masaya ang búhay, masayang-masaya! Panay ang sayawan, panay pa ang kanta. Mga binibini’y napakagaganda. Ang mga ginoo ay kay kikisig pa.
(Papalakpak ang UNANG PANGKAT.)
MAKISIG:
Puno ng ligaya itong ating búhay ng ganda at bangong kay-tagal hinintay ngayong atin silang walang pagkamatay
ang ibang bagay ay wala na ngang saysay.
(Papalakpak ang IKALAWANG PANGKAT at mamamayani ang
kaingayan at kaguluhan.)
MAHIWAGANG TINIG : (Umaalingawngaw.)
Narito na…!
(Matitigilan ang lahat. Pagkunwa’y mangagsisiluhod na parang sumasamba sa isang bathala.)
MAHIWAGANG TINIG: (Umaalingawngaw.)
Magpugay! At ipagbunyi ang pagdatal ng inyong hari na
kinalulugdan ko.
UNANG PANGKAT :
Salubungin ang Punong-Maskara!
IKALAWANG PANGKAT:
Mabuhay ang Punong-Maskara!
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay!
(Papasok ang PUNONG-MASKARA na nakaupo sa kanyang magarang trono. Dadalhin siya sa gitna ng tanghalan habang ang
lahat ay nagpupugay.)
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
13/35
Kami’y inyong lingkod, panginoon namin.
PUNONG-MASKARA:
Labis-labis ang aking katuwaan at kayong lahat ay nakadalo sa pagtitipong ito.
MAKISIG:
Hindi ba’t ikaw ang nagpasugo sa aming lahat para kami ay makarating dito?
PUNONG-MASKARA:
Kaya naman lubos ang kagalakan ko’t kayo ay nagpaunlak
UNANG PANGKAT :
Sapagkat kayo ang aming hari at lahat nang iutos mo ay
aming sinusunod.
MAKISIG:
Sayang at wala kaming dalang mga palaspas na panghudyat sa aming taus-pusong pagbubunyi sa iyong
pagdating.
MAGANDA:
May dala naman kaming talulot ng mga bulaklak para isabog nang madama mong ikaw pa rin ang aming pinuno.
IKALAWANG PANGKAT:
At panginoon.
UNANG PANGKAT :
At bathala.
MAKISIG:
At hari.
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
Mabuhay! Mabuhay ang Punong-Maskara! Mabuhay!
PUNONG-MASKARA:
May palaspas man o wala; may talulot man ng mga bulaklak o wala, ang mahalaga’y naririto tayo at nagsasaya. Para saan pa nga ba ang búhay kundi para sa pagsasaya? Dahil ang búhay ay kasayahan. Ang búhay ay
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
14/35
kasayahan. Ang búhay ay kaga-lakan. Ang búhay ay katuwaang walang hanggan.Walang hanggan!
LAHAT:
Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay!
PUNONG-MASKARA :
At ang kaligayahang walang hanggan ito na makakamit lamang kung ipagpapatuloy nating lahat ang pagtataguyod sa kagandahan, katotohanan at kabutihan! ‘Yan ang nektar ng buhay!
LAHAT:
Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay!
PUNONG-MASKARA:
Kung baga sa bulaklak, ang búhay ay ang bango. Kung bagá sa tála, ang búhay ay ang kislap ng liwanag. Kung bagá sa ngiti, ito ang tamis. Sa alak naman, ito ang
espiritung nakalalasing. Kayat uminom tayo’t lasapin ang espiritu ng buhay!
LAHAT:
Mabuhay ang Punong-Maskara! Mabuhay!
MAGANDA:
May inihanda kami para sa inyo-
IKALAWANG PANGKAT:
Na magpapatunay ng aming lubos na pagpuri sa inyong angking karunungan.
MAGANDA:
At sa napakalaking pagbabagong naidulot sa amin ng iyong nilikhang Bagong Lipunan.
PUNONG-MASKARA:
Mga kaibigan, nag-uumapaw ang puso ko sa kagalakan. Buong puso’t karangalan kong tatanggapin ang inyong papuring alay sa akin. Igagalang ko ang bunga ng inyong
katalinuhang hinuwad sa karungungan ko.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
15/35
(Lalapit si MAGANDA kay MAKISIG at bubulong. Sesenyas si MAKISIG sa UNANG PANGKAT at bubulungan niya ito. Paliligiran ng UNANG PANGKAT sina MAGANDA at MAKISIG hanggang sila ay matakpan at mawala sa paningin.)
UNANG PANGKAT:
Ito ang dakilang kasaysayan ng –
IKALAWANG PANGKAT :
-- Buhay!
UNANG PANGKAT :
Na maligaya.
IKALAWANG PANGKAT :
Na masigla.
(Magkakalumpon ang IKALAWANG PANGKAT at ilalabas ang isang nasisindihang sulo.)
UNANG PANGKAT :
Sa simula ay liwanag.
(Ang mga susunod na sasabihin ay magkakaroon ng kanya-kanyang interpretasyon.)
IKALAWANG PANGKAT:
Inihihiwalay ang liwanag sa dilim.
UNA/IKALAWANG PANGKAT : (Sabay)
At nakilala ang araw at gabi.
UNANG PANGKAT :
Nilikha ang sansinukob.
IKALAWANG PANGKAT:
Ang lupa.
UNANG PANGKAT :
Ang tubig.
IKALAWANG PANGKAT:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
16/35
Ang himpapawid
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
At nilikha rin ang mga hayop.
UNANG PANGKAT:
Sa katihan.
IKALAWANG PANGKAT:
Sa himpapawid.
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
At sila ay maaayos na nagsama-sama sa daigdaig…
(Mag-aanyong MGA MANOK na talisain ang dalawang tao mula sa magkabilang pangkat at magsisimulang maggigirian tulad sa isang SABONG.)
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
At hinabi ang mga alamat..
UNANG PANGKAT :
Sa pula!
IKALAWANG PANGKAT:
Sa puti
UNANG PANGKAT :
Sa pula, sa pula, sa pula!
IKALAWANG PANGKAT:
Sa puti, sa puti, sa puti!
UNANG PANGKAT :
Sa pula!
IKALAWANG PANGKAT:
Sa puti!
(Magwawagi sa sabong ang puting manok at lalapit sa UNANG PANGKAT na ngayon ay nag-aanyo nang kawayanan.)
IKALAWANG PANGKAT:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
17/35
Tukain mo ang kawayan. Tuklasin kung ano ang laman!
UNANG PANGKAT :
Kawayan ay tukain. At ang laman nito ay tukain!
IKALAWANG PANGKAT:
Tuka!
UNANG PANGKAT :
Tuka!
IKALAWANG PANGKAT:
Tukain mo ang kawayan!
UNANG PANGKAT:
Tukain mo nang tukain!
IKALAWANG PANGKAT:
Tukain mo nang kawayan!
UNANG PANGKAT :
Tukain mo nang tukain!
IKALAWANG PANGKAT:
Kawayan ay biyakin!
UNANG PANGKAT:
Biyakin! Biyakin! Biyakin!
IKALAWANG PANGKAT:
Tinuka…
UNANG PANGKAT:
Tinutuka…
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
Nabiyak!
(Mahahating parang nabiyak na kawayan ang UNANG PANGKAT at makikita sa gitna nito sina MAKISIG at MAGANDA na parehong walang suot na maskara. Magugulumihanan ang lahat.)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
18/35
UNA/IKALAWANG PANGKAT:
Isang lalaki.
UNANG PANGKAT:
At isang babae
MAKISIG:
Ako si Makisig.
MAGANDA:
Ako si Maganda.
MAKISIG:
Dapat ay malakas ang pangalan ko kaya lang hindi siya pumayag
MAGANDA:
Dahil ayaw ko naman na maging pangalan ko ay matibay o kaya’y matatag at hindi babagay sa hubog ng aking katawan.
MAKISIG:
Gusto sana niya ay matalino ang itawag sa kanya kung malakas ang pangalan ko, kaya lang, ako naman ang
hindi pumayag.
MAGANDA:
Dahil ayaw niyang masapawan ko siya gayong kahit
saan tingnan pareho lang kami. Pantay-pantay…
UNA/IKALAWANG PANGKAT: (Sabay)
Kaya –
MAKISIG:
Ako si Makisig ngayon. Bagay naman, hindi ba?
MAGANDA:
At ako naman si Maganda.
MAKISIG:
Kitang-kita ang pruweba.
UNA/IKALAWANG PANGKAT : (Sabay)
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
19/35
At dito ang kanilang paraiso.
MAKISIG:
Ito ang buhay.
MAGANDA:
Ito ang buhay.
(Mag-aanyong isang malaking sawa ang IKALAWANG PANGKAT. Dala-dala nito ang mga maskara nina MAKISIG at MAGANDA at gagapang itong papunta sa kinalalagyan ng dalawa.)
IKALAWANG PANGKAT:
Mas kikisig ka, Makisig – at mas gaganda ka, Maganda
kung isusuot ninyo itong mga maskara…
(Kukunin ni MAGANDA ang maskara niya at isusuot ito.)
MAGANDA:
Ang ganda…!
PUNONG-MASKARA:
Maganda…
(Kukunin ni MAGANDA ang maskara ni MAKISIG at isusuot ito sa lalaki.)
MAGANDA:
Ang kisig..!
PUNONG-MASKARA:
Makisig…
(Dadalhin ng dalawang pangkat sina MAGANDA at MAKISIG at isasayaw-sayaw sila.)
LAHAT:
Masaya, masaya, masaya!
PUNONG-MASKARA:
Hindi, hindi magulo. Masaya pa rin. Masayang-masaya…
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
20/35
(Matitigilan ang lahat sa sinabi ng PUNONG-MASKARA.)
MAKISIG:
Ano ang katuturan ng lahat?
MAGANDA:
Tungkol saan ang buhay?
MAKISIG:
Ano ang kahulugan?
MAGANDA:
Ano?
MAKISIG: (Sabay)
Ano?
(Saglit na katahimikan. Pagkatapos, unti-unti namang sasaya.)
UNANG PANGKAT :
Kasayahan!
IKALAWANG PANGKAT:
Kaligayahan!
LAHAT:
Ang búhay ay isang malaking pagdiriwang!
PUNONG-MASKARA:
Isang malaking pagdiriwang lamang…
(Magmimistulang isang pista ang kapaligiran sa pagtatapos ng munting dula-dulaan para sa PUNONG-MASKARA.)
PUNONG-MASKARA: (Papalakpak)
Mahusay!Mahusay! Isang maipagkakapuring pagtatanghal. Nakapupukaw ng isipan!
MAGANDA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
21/35
Salamat naman at naantig naming kayo. Sana ay nahiwatigan ninyo ang kalatas na ibig naming ipahatid.
PUNONG-MASKARA:
Isang matalino at mabisang paraan! Inabot ng pahiwatig ang kaibuturan ng aking puso at ang bawat hibla ng aking isip.
MAGANDA:
Kung gayon, ang lahat ay mapag-uusapan natin nang mahinahon.
PUNONG-MASKARA:
Wala nang dapat pang pag-usapan pa. Malinaw ang katanungan ninyo. At tuwiran din ang naging kasagutan na ang buhay ay isa lamang napakalaking piging. Napakasaya. At tayong lahat ay nilikha upang magpasasa sa kaligayahang dulot ng buhay.
UNANG PANGKAT:
Tama ang Punong-Maskara! Lagi siyang tama. Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay!
MAKISIG:
Mga kasama, sandaling katahimikan lamang! Hinihiling namin ang kaunting katahimikan.
MAGANDA:
Ang pinakamahalaga na yatang bunga ng lahat ng karunungan ay ang kakayahang gawin ang isang bagay na dapat gawin, nais mang gawin ito o hindi. At ito, Punong-Maskara, ay dapat gawin! Noon pa sana - sadya lamang na wala pa kaming lakas ng loob.
PUNONG-MASKARA:
Magpatuloy ka.
MAGANDA:
Malinaw ang tanong at may kaukulang sagot, subalit hindi turol. Hindi nasaliksik ang bawat sulok. Sa tuwirang salita walang kulay dahil hindi buo.
PUNONG-MASKARA:
Liwangin mong mabuti ang iyong sinanasabi at parang nagiging kawili-wili.
MAGANDA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
22/35
Punong-Maskara, maraming uri ng kulay ang luntian. Hindi basta luntian lamang. Ang kulay ng dahon ay iba kaysa kulay ng bunga, o sa kulay ng sanga at puno. Iba sa kulay ng lumot at sa kulay ng sibol.
PUNONG-MASKARA:
Isa kang artista! Kung anu-ano ang iyong nakikita.
MAGANDA:
Bakit kailangang magsuot kami ng maskara para lumigaya?
PUNONG-MASKARA:
Sapagkat hindi maaaring mabuhay nang matiwasay kung ang tunay mong anyo ang nakalantad. May sinusunod tayong kabihasnan. At ‘yan ang mahigpit na inuutos sa atin ng ating sangkatauhan.
MAGANDA:
Kayo’y iba sa akin. Ako’y iba sa kanila. Hindi ba’t karapat-dapat lamang na magkaroon tayo ng kani-kaniyang sukatan ng pagkatao at moralidad. Ng pansariling saligan ng matibay na paniniwala sa katwiran?
PUNONG-MASKARA:
Mas makabubuti sa marami ang pangkalahatang panuntunan. Mas kanais-nais ang maging payak kaysa kung anu-anong masalimuot na kumplikasyon.
MAGANDA:
Likas sa tao ang kung anu-anong kumplikasyon?
PUNONG-MASKARA:
Hindi ba’t ‘yan ang dapat baguhin sa tao?
MAGANDA:
Sa pamamagitan ng pagbabalatkayo?
PUNONG-MASKARA:
Ang búhay ay isang balatkayo!
MAGANDA:
Mahirap kang unawain?
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
23/35
PUNONG-MASKARA:
Ang búhay ay isa lamang balatkayo!
MAGANDA:
Hindi ko matatanggap ‘yan!
UNANG PANGKAT:
Dapat mong tanggapin, dahil lahat nang sinasabi ng Punong-Maskara ay katotohanan lamang. Katotohanang maganda. Katotohanang mabuti. Katotohanang totoo. Sapagkat ang Punong-Maskara ay Diyos na dapat ninyong sundin!
PUNONG-MASKARA :
Nakikita’t naririnig mo ngayon ang pabulalas na pagsang-ayon at pagtangkilik ng nakararami sa aking taglay na kapangyarihan. Ako nga ay Diyos na dapat ninyong sundin!
MAGANDA:
Wala na. Hindi na talaga siya makukuha sa mahinahong
paraan.
MAKISIG:
Punong-Maskara, huwag mong gamiting dahilan ang pagiging diyos mo kunwari sa ‘yong hindi maka-diyos na gawain!
(Lahat ay matitigilan.)
PUNONG-MASKARA:
Ako ay diyos at isang kapangahasan ang kausapin ako sa ganyang himig. Ikaw, sino ka? Ano ka kung ihahambing sa
pagiging Diyos ko?
MAKISIG :
Ako’y tao! Higit sa lahat ng bagay, ako‘y tao! Kaming lahat dito ay tao.
PUNONG-MASKARA :
Nilikha ang tao para maging masaya.
MAKISIG:
Nilikha ang tao para maging tao.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
24/35
PUNONG-MASKARA:
Nilikha ang tao para maging masayang tao.
MAKISIG:
Diyos lamang ang nananatiling mahusay sa tuwina. Diyos lamang ang nakapagsasaya nang lubos at walang pagkukunwari.
PUNONG-MASKARA :
Kung gayon, magsuot ka ng maskara ng isang Diyos!
MAKISIG:
Hindi maaaring dayain ang sarili. Ako ay hindi Diyos. Kami ay hindi Diyos. At kailanman ay hindi magiging Diyos. At ikaw, ikaw ay hindi isang Diyos. Hindi isang panginoon. Hindi isang bathala. Ikaw ay tao. Tayo ay tao. Lahat tayo ay tao.
PUNONG-MASKARA:
Ang tao’y nilikha sa kaanyuan ng Diyos. Sa kagandahan ng Diyos. Alin ang tunay na ikaw, ang iyong talagang anyo o ang nais mong maging anyo mo.
UNANG PANGKAT:
Kami ang maliligayang tao sa daigdig.
PUNONG-MASKARA:
Napakalaking bagay ang pagsang-ayon ng nakararami. Nagpapatibay sa tanikalang nag-uugnay sa ating pagkakaunawaan. Ano naman kaya ang masasabi ng ikalawang pangkat?
IKALAWANG PANGKAT : (Nag-aatubli.)
Ta-tama ang Punong-Maskara.
PUNONG-MASKARA:
‘Yun naman pala! Kung gayon, walang problema.
MAGANDA:
Mga kasama, pinag-usapan na natin ito kanina bago tayo nagpunta rito. Akala ko’y nagkakaintindihan na tayo.
IKALAWANG PANGKAT:
Kailangang sumunod sa Punong-Maskara. Mahirap sumalungat sa kapangyarihan.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
25/35
UNANG PANGKAT:
Ang Punong-Maskara ay siyang Diyos. Sundin nating lahat ang kanyang iniuutos.
MAKISIG :
Habambuhay tayong magpapaalipin sa mga maskarang suut-suot natin.
IKALAWANG PANGKAT:
Ang Punong-Maskara ay ating bathala. At sa ating búhay, siya ang bahala.
MAGANDA :
Hindi! Dapat na nating harapin ang katotohanan. Ngayon na ang panahon para gawin natin ito.
MAKISIG :
Ang búhay ay liligaya lamang kung aalisin natin ang suot na maskara.
UNANG PANGKAT:
Ang Punong-Maskara ay siyang panginoon kayat dapat sundin ang lahat ng layon.
MAKISIG:
Lahat ay lilinaw kung susundin lamang ang isipang tunay. Ikaw, siya, ako – tayo’y pantay-pantay. Hindi magbabago, mundo ma’y magunaw.
UNANG PANGKAT:
Hindi totoo ‘yan, Makisig. Diyos ang Punong-Maskara. Hindi tao kundi Diyos.
IKALAWANG PANGKAT:
Katawang-tao na sugo ng Diyos.
MAGANDA:
Punong-Maskara, alam ko’t alam mo ang totoo. Sabihin mo, kung ikaw ay talagang magaling na pinuno.
PUNONG-MASKARA:
Kung ano ang paniniwala ay siyang katotohanan.
MAGANDA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
26/35
Hindi batayan ng katotohanan ang paniniwala ng marami - laluna’t ito’y mali. Kahit lahat ay naniniwala rito, ito ay mali pa rin - dahil kailanman, ang tama ay hindi nagbabago. At ang tama ang totoo!
MAKISIG:
Punong-Maskara, tama na ang ginugol naming panahon sa
pagkukunwari. Sawa na kami sa pamamalagi sa kasinungalingan.
PUNONG-MASAKARA:
Hindi kaya kayo ang nawawalang mga tupa na nagbabalatkayong mga pastol?
MAKISIG:
Sa ganitong panahon ay wala nang tupa, Punong-Maskara. Ang lahat ay dapat nang maging alamid.
PUNONG-MASKARA:
Ang ibig mong sabihin ay dapat nang magsuot ng maskara ng isang alamid.
MAKISIG :
Ang ibig kong sabihin ay magtanggal ng maskara at harapin ang katotohanan nang parang isang alamid.
PUNONG-MASKARA :
Hindi nang parang isang tao?
MAGANDA:
Huwag mo kaming lituhin, Punong-Maskara. Ayaw na naming magbalik sa mapagkunwaring lipunang gawa-gawa ng mga maskarang suot namin.
PUNONG-MASKARA:
Nang sundin ninyo ang mga kautusan ko, natagpuan ninyo ang kaligayahang dulot ng búhay. Ang kabihasnan. Hindi ba ninyo gustong manatili sa kalagayang ‘yan?
MAKISIG:
Maganda ang layunin ng kabihasnan at ng itinayo mong lipunan - subalit ang inyong pamamalakad ang mali. Pilit. Alin ang tunay na batayan upang matiyak na ang kabihasnang ating tinatahak ay tama? Ang
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
27/35
kabihasnan at ang lipunan ay likha ng tao. At ang mga ito’y nagbigay sa ating kalayaan ng hangganan. Sabihin mo ngayon, Punong-Maskara, kung ang kabihasnan at ang lipunan ay hindi kumikitil ng ugali ng tao.
PUNONG MASKARA :
Ating tanggap ang lipunang ito, sinang-ayunan. At libong taóng nanatili sa atin ang kabihasnan. Umantig sa ating kalinangan. Nagdulot ng katotohanan sa ating pagkatao. Sino ka ngayong magsasabing tayong lahat ay nagkamali
sa ating ginawa?
MAKISIG:
Ang kabihasnan ay isang maskara. At ang lipunan natin ay hindi naiiba.
PUNONG-MASKARA:
At ang mga maskarang iyon ang nagpapagunita sa tao na siya ay tao.
MAGANDA:
Ngunit nagtagumpay ba ang kabihasnan at ang iyong lipunan sa pagpapaalala sa atin na tayo’y tao, Punong-Maskara?
PUNONG-MASKARA :
Ibinigay ng kabihasnan at ng aking lipunan ang buhay na masagana’t masaya.
MAGANDA:
Ibigay rin ang pagkukunwari.
PUNONG-MASKARA:
Halos naroroon na tayo sa kadalisayan at hindi mapasusubaliang kaunlaran, binibini. Ngayon ka pa ba magbabago?
MAGANDA:
Hindi ko na kayang batiin ang ngumiti sa isang bagay na hindi naman nakapagpapatawa sa akin.
MAKISIG :
Mga duwag lamang ang sumasang-ayon gayong ang mga budhi naman ay tumututol.
PUNONG-MASKARA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
28/35
Kung talagang ilalagay mo sa isip, darating ang oras na matatagpuan mo ang iyong sarili na nananali rito. At malalaman ninyong hindi ako nagkamali.
MAKISIG:
Ayaw ko nang dayain ang aking sarili.
MAGANDA:
Nakamulat na ang aming mga mata.
PUNONG-MASKARA :
Pababayaan ba ng aking mga tagapanalig na ako’y basta na
lamang aglahiin.
UNANG PANGKAT:
Hindi, Punong-Maskara.
IKALAWANG PANGKAT:
Hindi kami papayag!
(Lalapit ang dalawang pangkat kina MAKISIG at MAGANDA. Nagbabanta.)
MAKISIG:
Ano kayo? Balintuna na bang lubha ang daigdig natin? Kayo’y tao. Ako tao. Iisa ang ating uri. Tayo pa ba ang magbibigay-wakas sa ating lahi?
PUNONG-MASKARA:
Mga kaibigan, mga kampon! Huwag kayong magpadala sa kanilang sinasabi. Sila’y naliligaw. Sila’y nababaliw. Ako
pa rin ang inyong pinuno. Ako pa rin ang inyong hari.
MAGANDA:
Huwag gawing sapilitan ang kanilang pagpili. Kung mahahaluan iyon ng takot, malamang na sila’y muli na
namang sumang-ayon sa iyo.
MAKISIG :
Mga kasama, ang minimithing pagbabago’y ngayon dapat isagawa. Kung maghihintay pa tayo ng bukas ay malamang na maunsiyami na tayo rito dahil wala nang bukas na darating.
UNANG PANGKAT :
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
29/35
Nasisiyahan na kami sa aming katayuan ngayon, Makisig.
PUNONG-MASKARA :
Tumpak! ‘Yan ang tumpak na Tumpak!
MAKISIG:
Hindi matatakasan ang katotohanan. Walang makatatalikod sa tunay na mukha ng búhay. Hindi sapat ang mabibilis at malalaking mga hakbang sa pagtakbo. Mas maiikot ng paa ng katotohanan.
PUNONG-MASKARA:
Ang mukha ng búhay ay kinakatawan ng maskara – kayat ang tanging lunas ay ang pagsusuot nito.
MAKISIG:
Ang pagsusuot ng maskara ay isang uri ng pagtakbo. Ang pinakamataas na bahagdan ng pagtakas. Ang pinakamukha
ng karuwagan.
PUNONG-MASKARA:
Ito ang tanging kalutasan ng mga suliranin sa daigdig. Ang tanging lunas!
MAGANDA:
Hindi buo kung dumating sa atin ang kalutasan sa ating mga suliranin kundi mga pira-pirasong bahagi na tayo naman ang dapat magtagni-tagni.
PUNONG-MASKARA:
Ang ????, isang napakabagal na paraan!
MAGANDA:
Ngunit tiyak! Bakit hindi pa rin lubos ang aming kasiyahan kahit nakasuot kami ng maskara - kung pagmamaskara nga ang lunas sa aming nadarama?
MAKISIG :
Bakit ang aming budhi’y nagsusumigaw pa rin sa pagtutol?
PUNONG-MASKARA:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
30/35
Likas sa ugali ng tao ang mainip. Maghintay pa kayo ng ilang panahon at tinitiyak kong sasapitin din ninyo ang kalagayang sinasabi ko.
MAKISIG:
Bakit ibinubulong ng aming budhi na kung dumating man ang sandaling kami’y tuluyang malason ay magsusumigaw pa rin sa pagtutol ang aming kamalayan?
MAGANDA:
Bakit kung talagang masaya ang buhay ay dumadalangin pa rin kami kay Bathala, dumadalangin nang buong taos sa aming Diyos, nananawagan sa isang panginoon na wala yata roon?
MAKISIG:
Kung talagang puno ng kasiyahan ang buhay, nagsusumigaw pa rin ang aming kamalayan sa paghahanap ng katuparan at kaganapan?
MAGANDA:
Dahil ba sa talagang wala namang kaganapan?
PUNONG-MASKARA :
May kaganapan, ipinangangako ko.
MAKISIG :
Nasaan?
MAGANDA:
Nasa dalangin ba? Sa pagdarasal? Nasa panawagan?
PUNONG-MASKARA:
Nasa maskara!
MAKISIG:
Mali! Ang totoong Diyos lamang ang tunay na kaganapan. At hindi ikaw ‘yun!
PUNONG-MASKARA :
Hindi! Tanging ang maskara ang kaganapan, at ako ‘yun. Ako!
MAKISIG :
Ang pagdalangin sa isang bathala, ang pagdarasal, at ang panawagan ay sila mismong Diyos. At naroon ang kaganapan.
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
31/35
MAGANDA:
Ang pananampalataya ay siya mismong Diyos.
PUNONG-MASKARA:
Maskara ang tanging lunas. Maskara para magwakas sa lahat ng mga suliranin.
MAKISIG :
Ang tunay na wakas sa mga suliranin ang magiging simula ng kamatayan ng lipunan natin. Tayo ay nilikha sa ganitong uri ng daigdig. Hindi tayo buo kung walang mga suliranang lulutasin. Tayo’y naririto para tumuklas ng mga bagay at hindi natin iyon maisasagawa nang lubusan kung may hangganan ang ating nasasaklawan.
MAGANDA:
Ngayon, nauunawaan na ba ninyo kung bakit tinatanggihan namin ang iyong kabihasnan? Ang iyong maskara at bagong lipunan? Kami’y tao at ang tao ay mananatiling tao.
PUNONG-MASKARA:
Hindi dapat gamitin ang dahilang kayo’y tao para bigyan katwiran ang kahayupang iniisip ninyo.
MAGANDA :
Hindi kahayupan ang adhikaing makalaya. Ito ang pangarap na pinakadakila.
MAKISIG:
Ibig naming makawala sa maliit na daigdig na aming gingalawan. Gusto naming palawakin ang aming mundo.
PUNONG-MASKARA :
Ang kapirasong kapangyarihan ay masamang palakihin nang gayun-gayon lamang. Sa itaas nararapat na magmula ang pagbabago.
MAKISIG:
Sa pagpapaalala ng nasa ibaba.
MAGANDA :
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
32/35
Baguhin natin ang kabihasnan. Humanap tayo ng ibang landas palayo sa lipunang ito. Maaaring doon naman tayo lubos na lumigaya nang walang halong pagkukunwari.
PUNONG-MASKARA:
Igalang ninyo ang katayuan ko. Ako ang inyong puno.
(Tatanggalin nina MAKISIG at MAGANDA ang kani-kanilang mga maskara. Dahan-dahan silang lalapit kay PUNONG-MASKARA. Hindi malaman ang gagawin ng dalawang pangkat.)
MAKISIG:
Ngayon, malaya na ako, handa na akong humarap sa katotohanan.
MAGANDA:
Kalimitan ay mas maganda pa at mas kaaya-aya ang tunay nating anyo kaysa mga maskarang isinusuot natin.
MAKISIG :
Ano ang katotohanan, Punong-Maskara?
MAGANDA:
Sino ka, Punong-Maskara?
PUNONG-MASKARA:
Kaawaan ninyo ang inyong mga sarili. Huwag ninyong wakasan ang ating daigdig.
MAKISIG :
Kahit ba sa pagkaduwag at pagkatakot, gagaya pa rin kayo sa Punong-Maskara?
MAGANDA:
Gumisig na kayo’t imulat ang mata. Tanggalin na ninyo ang inyong maskara!
(Mapapasunod ang dalawang pangkat kina MAKISIG at MAGANDA. Aalisin nila ang kanilang mga maskara.)
PUNONG-MASKARA:
Huwag! Huwag kayong baliw!
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
33/35
MAKISIG:
Ikaw ang baliw. Ikaw ang nagtatago sa katotohanan.
MAGANDA:
Kami’y bukas na ang isip at ang mga paa namin ay nakaapak na sa lupa.
MAKISIG:
Alisin ang maskara!
MAGANDA:
Sa ganyang paraan lamang natin maililigtas ang daigdig.
MAKISIG:
Kaya nating abutin ang langit! Tanggalin ang kanyang maskara.
(Dudumugin ng lahat ang PUNONG-MASKARA.)
PUNONG-MASKARA:
Huwag! Huwag!
LAHAT:
Tanggalin ang maskara. Hubarin! Hablutin!
PUNONG-MASKARA:
Ito na ang wakas!
LAHAT :
Ito na ang simula.
(Matatanggal ang maskarang suot ni PUNONG-MASKARA at malalantad ang isa pang maskarang suot niya. Lahat ay magugulumihanan.)
LAHAT:
Maskara pa rin?
PUNONG-MASKARA:
Ako pa rin ang inyong diyos!
MAKISIG:
Hindi! Hablutin ang maskarang ‘yan!
LAHAT:
From panitikan.com.ph
Maskara/Frank Rivera
34/35
Hablutin!
PUNONG-MASAKARA:
Huwag!
(Matatanggal ang maskara at lilitaw ang isa pa.)
PUNONG-MASKARA:
Bakit? Bakit ninyo ako pinabayaan?
(Tatanggaling muli ang maskara ni PUNONG-MASKARA at may panibago na namang suot ang lilitaw. Iba-ibang mukha ang makikitang suot ng PUNONG-MASKARA habang patuloy siyang hinahablot at dinudumog ng dalawang pangkat. Maraming mga maskarang makukuha kay PUNONG-MASKARA; mga mukha ng ibat’ibang diktador sa mundo; mukha ng mga asawa nito’t anak; at iba pa. Hanggang sa ang buong tanghalan ay mapuno ng maskara at ang mga nagsisiganap ay halos mawala sa mga ito.)
MAHIWAGANG TINIG: (Umaalingawngaw.)
Humayo kayo - at salubungin ang araw bago ito bumati sa umaga..!

(Lahat ay matitigilan at hihinto. At tatahimik. Unti-unting magdidilim ang ilaw.) 

This free website was made using Yola.

No HTML skills required. Build your website in minutes.

Go to www.yola.com and sign up today!

Make a free website with Yola